-- Advertisements --

ILOILO CITY – Magsasampa ng patong-patong na kaso si dating Iloilo provincial administrator Manuel “Boy” Mejorada laban sa Provincial Special Operations Group (PSOG) na siyang nagsilbi ng warrant of arrest sa kanya sa Parc Regency, Balabag Pavia, Iloilo.

Si Mejorada ay may limang warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 na isinampa ni outgoing Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mejorada, sinabi nito na nilabag ng PSOG na pinamumunuan ni P/Maj. Jonathan Pinuela ang kanyang karapatang pantao.

Ayon kay Mejorada, hindi siya binasahan ng PSOG ng kanyang Miranda Rights at hindi rin nagpakilala ang otoridad kasabay ng pagpasok sa kanyang bahay.

Maliban dito, inihayag rin ni Mejorada na planu pa umano ni Pinuela na tutukan siya ng armas.

Kasong tresspassing, grave threat at hindi pagbasa ng Miranda rights ang kakaharapin ni Pinuela ayon sa dating opisyal.

Una nang tinawag ni Pinuela na “arogante” si Mejorada at pinabulaanan ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.

Ayon kay Pinuela, sinunod ng PSOG ang standard procedure sa pag-aresto kay Mejorada.