-- Advertisements --

Inilibing na ngayong araw si dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Maraming mamamayan ang nag-abang sa mga kalsada ng Tokyo para magbigay pugay sa huling sandali kasabay ng libing ngayong araw ni dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Naging pribado lamang ang funeral ng dating Prime Minister para sa kaniyang pamilya at kaibigan sa Zojoji temple.

Sa Tokyo, naka-half mast ang mga bandila at sa labas ng templo mahabang pila ng mga nagdadalamhating mamamayan na nakahawak ng mga bouquet ng bulaklak ang dumagsa.

May ilan ang taimtim din na nag-alay ng dasal, ang ilan ay umiiyak habang may iba naman na sumisigaw ng “Thank you Abe” o “Goodbye Abe” habang dumadaan ang motorcade at ang karo na kinalalagakan ng labi ng dating Prime Minister.

Inilibot muna ang labi ng dating PM sa headquarters ng Liberal Democratic Party (LDP) ng dating PM at sa residence ni Prime Minister Fumio Kishida kasama ang lawmakers at sa parliament building kung saan unang nanungkulan bilang mambabatas noong 1993 si Abe bago dumating sa funeral hall para sa cremation ng mga labi ng dating PM.