Isa sa posibleng maharap sa kasong perjury si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na namilit umano sa isang witness na tumestigo laban kay dating Senator Leila de Lima ayon kay dating Senate President Franklin Drilon.
Matatandaan na si Aguirre ang itinuro ni dating Bureau of Corrections director Rafael Ragos na siya namang principal witness sa isa sa mga drug case ni De Lima na pinilit umano siya ng dating Justice chief na gumawa ng affidavit na nagsasangkot sa dating mambabatas sa kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) dahil nakatanggap ito ng mga banta ng pagkakakulong.
Si Aguirre ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naging sentro naman ng mga batikos ni De Lima dahil sa madugong war on drugs ng nagdaang administrasyon.
Ayon sa dating Senate President maaaring makulong si Aguirre ng 10 hanggang 12 taon kung mapatunayang nagkasala sa ilalim ng Revised Penal Code.
Samantala, sinabi din ni Drilon na wala pang ebidensya na “induced at directed” ni Duterte ang pagsasampa ng mga kaso kay De Lima. Kapag mayroon aniyang ebidensiya, maaari ding kasuhan ang dating punong ehekutibo ng subornation of perjury.
Ginawa ni Drilon ang pahayag kasunod na rin ng pagpayag ng korte kay De Lima na makapagpiyansa sa kaniyang natitirang drug case at ngayon nga ay pansamantalang nakalaya.
Sa eksklusibong panayam naman ng bombo radyo sa abogado ni De Lima na si atty. Filibon Tacardon na hindi pa napag-uusapan ng dating Senador at ng kaniyang defense team ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga posibleng nasa likod ng halos 7 taon niyang pagkakakulong dahil ang kanyang mga prayoridad sa ngayon ay ang makapiling ang kanyang 91 anyos na ina doon sa Iriga, i-rebuild ang kaniyang buhay at ibalik ang kanyang reputasyon.