-- Advertisements --
(c) Former Laguna governor ER Ejercito

Hinatulang “guilty” ng Sandiganbayan Fourth Division sa kasong graft and corruption ang aktor at dating gobernador ng lalawigan ng Laguna na si Emilio Ramon “E.R.” Ejercito.

Batay sa desisyong inilabas ng anti-graft court, nag-ugat ang kaso ni Ejercito sa umano’y maanomalyang insurance deal para sa mga turista at boatmen na pinasok nito noong ito pa ang alkalde ng bayan ng Pagsanjan, Laguna noong 2008.

Dahil dito, sinintensyahan ng anim hanggang walong taong pagkakakulong ang dating opisyal.

Iniutos na rin ng korte ang pagpapataw ng perpetual disqualification o ang hindi na pagpapahintulot kay Ejercito na humawak pa ng anumang posisyon sa gobyerno.

Kanselado na rin umano ang kanyang civil service eligibility maging ang kanyang retirement benefits.

Pinaglalagak na rin ng P30,000 piyansa ang dating gobernador para sa kanyang pansamantalang paglaya.