Nanindigan si Former Laguna Governor Emilio Ramon “ER” Ejercito na hindi siya disqualified sa pagkandidato bilang gobernador sa darating na May midterm elections.
Pahayag ito ni ER sa press conference sa Quezon City kanina, tatlong araw matapos hatulang guilty ng Sandiganbayan para sa kinakaharap na kasong graft.
Ugat ng nasabing kaso ay ang umano’y maanomalyang insurance deal noong siya pa ang alkalde ng Pagsanjan, Laguna, taong 2008.
Ayon pa sa dating aktor na kilala sa screen name nito bilang Jeorge Estregan, naisumite na ng kanilang kampo ang motion for reconsideration sa Sandiganbayan.
Sa panig naman ng abogado nitong si Larry Gadon, handa rin daw silang iapela ang kaso sa Supreme Court.
“Nakakatiyak ako na ito ay io-overturn ng Supreme Court. It’s a question whether the intention is legal or not. Ang pinagpipilitan ay hindi raw dumaan sa bidding, dinaan yun sa bidding pero walang gusto mag-bid dahil napaka-risky,” ani Gadon.
Naniniwala si ER na politika ang nasa likod ng kanyang pagkaka-convict kung saan anim hanggang walong taon itong mabibilanggo.
Gayunman, sa desisyon ng anti-graft court Fourth Division ay maaaring maghain ng P30,000 piyansa ang 55-year-old official para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Una rito, inakusahan si Ejercito at ang iba pang co-respondents ng pamemeke ng memorandum of agreement sa First Rapids Care Venture para sa accident protection at financial assistance para sa Pagsanjan tourists and boatmen.
Iniutos na rin ng korte ang pagpapataw ng perpetual disqualification o ang hindi na pagpapahintulot kay Ejercito na humawak pa ng anumang posisyon sa gobyerno.
Kanselado na rin umano ang kanyang civil service eligibility maging ang kanyang retirement benefits.
Samantala, nilinaw na rin ni Commission on Elections Director Gloria Petalio ng Calabarzon, na tanging ang desisyon mula sa SC ang makakapagtigil kay Ejercito sa pagtakbo.
Si Ejercito ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas laban kay re-electionist Ramil Hernandez ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan.