Napatunayang guilty beyond reasonable doubt ng Sandiganbayan si dating Maguindanao Governor Datu Sajid Ampatuan sa kasong graft at malversation ng public funds may kinalaman sa P400 million na pondong nakalaan para sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng 22 farm to market roads noong 2009.
Sa 66-pahinang desisyon ng anti-graft court na ibinahagi nitong Lunes, hinatulan ng Sandiganbayan si Ampatuan ng hanggang 40 taong pagkakakulong sa kasong malversation at may multa at restitution na nagkakahalaga ng PHP786 million.
Hinatulan din siya ng hanggang 12 taon para sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dalawa naman sa mga kapwa akusado ni Ampatuan, ang provincial treasurer na si Oscar Bandila at provincial accountant na si John Dollosa, ay nananatiling nakalaya.
Ang pang-apat na kapwa akusado na provincial auditor na si Danny Calib ay pinawalang-sala ng korte.
Ayon sa prosekusyon, na-download ni Bandila ang mga halaga sa pamamagitan ng cash advances, ngunit nabigong magsumite ng mga documentary reports at liquidation documents kaugnay ng mga disbursement.
Ang akusado na si Ampatuan naman ay ginamit ang kanyang posisyon at pamamaraan na labag sa batas kung saan ginamit nito ang halagang nakalaan para sa naturang proyekto.