-- Advertisements --
najib razak 2
Ex-Malaysian Prime Minister, Najib Tun Razak

Hinatulang guilty ng korte si dating Malaysian Prime Minister Najib Razak sa pitong counts ng kaso sa umano’y pagkamal ng yaman mula sa taxpayers money palabas ng kanilang bansa.

Ayon sa alegasyon ng mga prosecutors gumamit daw si Razak, 67, at mga kakuntsaba nito ng personal na piggybank upang pondohan ang maluhong lifestyle at maging sa electioneering.

Ibinaba ang hatol ni High Court judge Nazlan Mohammed Ghazali laban kay Najib na guilty ito sa lahat ng counts na may kinalaman sa “abuse of power, money laundering at criminal breach of trust.”

Batay sa impormasyon ang 1MDB state investment fund ay binuo matapos na umupo sa puwesto si Najib noong 2009.

Dito na ibinuhos umano ang bilyong pera ng mamamayan upang magamit sa mga inisyatibo upang lalong mapaunlad daw ang kanilang bansa.

Pero ibinulgar ng mga US at Swiss prosecutors na aabot ng hanggang $4 billions ang natangay ni Najib at ng kanyang financier na si Jho Low.

Sa ngayon nahaharap si Najib ng hanggang 20 taon na pagkakakulong at malaking multa.

Kung maaalala nitong nakalipas na mga taon umani ng atensyon sa buong mundo ang iskandalo lalo na nang magsagawa ng raid ang Malaysian police sa bahay ni Najib at misis nito kung saan kinumpiska ang sangkaterbang mamahaling mga alahas at iba pa.

Najib razak 1
Ex-Malaysian Prime Minister, Najib Tun Razak

Inaasahang iaanunsiya sa mga susunod na panahon ang pormal na paghahatol sa dating lider ng Malaysia.

Ang iba pang mga kaso sa iskandalo na kinasasangkutan nito ay nagpapatuloy pa ang paglilitis.

Samantala, tiniyak naman ng mga abogado ni Najib na iaapela nila ang desisyon.

Si Najib ay ang ika-6 na prime minister ng Malaysia na nanungkulan mula April 3, 2009 hanggang May 10, 2018.