ILOILO CITY – Arestado ng pulisya ang dating myembro ng Philippine Marine Corps at No. 1 Most Wanted sa Western Visayas.
Ito ay si Julito Chua Porras Sr., 62, residente ng P. Ledesma Ward, Pototan, Iloilo at may kasong rape dahil sa panggagahasa sa kanyang 16 taong gulang na pamangkin.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Mary Grace Socorro Borio, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na nahuli ng Iloilo Police Provincial Office si Porras sa Regatta South Executive Home, Barangay Niugan, Cabuyao, Laguna matapos ang dalawang taong pagtatago.
Ito ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong
four counts of rape na inisyu ni Hon. Vicente Villa Go, presiding judge sa Regional Trial Court Branch 68 sa Dumangas, Iloilo.
Matapos napag-alaman ni Porras na may kaso ito, kaagad siyang nagtago sa Laguna.
Wala namang inirekomendang pyansa ang korte para kay Porras.
Taong 2019 nang magsimula ang panggagahasa ni Porras sa kanyang pamangkin hanggang sa magtuloy-tuloy na ito.
Binantaan naman ito ng suspek na may mangyayaring masama sa kanya kapag nagsumbong ito sa kanyang pamilya.
Sa ngayong, kulong na si Porras sa Pototan Municipal Police Station.