-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patay ang isang dating Mayor ng Cateel, Davao Oriental habang sugatan ang driver sa pamamaril na nangyari pasado alas-diyes kaninang umaga sa Watose St, Brgy. Buhangin Proper sa lungsod ng Davao City.

Batay sa inilabas na ulat ng Bajada PNP, kinilala ang dalawang biktima na sina GISELO VELASCO CASTILLONES, dating mayor ng Cateel Davao Oriental at driver nitong si JUNIE CASTRO.

Samantala, kinilala rin ang isa pang kasama na si ALMA MANLIGUEZ LOZENTES, 57 taong gulang, negosyante at residente ng Barangay San Rafael, Cateel, Davao Oriental.

Ayon sa imbestigasyon, lalabas na sana sa isang fastfood chain ang Mitsubishi expander na kanilang sinasakyan nang biglang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek ang angkas sa passenger seat at pinagbabaril ito ng apat na beses gamit ang kalibre .45 na pistol na nagdulot ng tama sa driver.

Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungo sa Buhangin Proper.

Idineklarang patay ang biktimang nasa passenger seat habang dinala naman sa ospital ang driver ng sasakyan para sa medikal na atensyon.

Samantala, patuloy na magsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para malaman ang mga taong sangkot pati na rin ang motibo ng nasabing krimen.