(Update) BACOLOD CITY – Apat na ang kabuuang bilang sa mga nasawi kabilang ang tatlong local officials sa panibagong serye ng pamamaril sa iba’t ibang bahagi ng Negros Oriental kaninang madaling araw.
Ang mga namatay ay kinabibilangan ng dating alkalde ng Ayungon at pinsan nito, city councilor at punong barangay sa Canlaon City, Negros Oriental.
Una rito, dakong alas-2:30 ng madaling-araw, pinasok ng armadong mga lalaki ang bahay ng dating alkalde ng Ayungon, Negros Oriental na si Edsel Enardecido sa Barangay Tampocon 1 at siya ay binaril nang makailang beses hanggang sa mamatay.
Maliban sa 60-anyos na dating alkalde, patay din ang pinsan nito na kasama niya sa bahay na si Leo Enardecido.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang mga suspek sa krimen.
Samantala, pinasok din ng armadong mga lalaki ang bahay ni Canlaon City Councilor Bobby Jalandoni at siya ay pinatay.
Pinaslang din sa mismong bahay niya si barangay chairman Ernesto Posadas ng Panubigan, Canlaon City.
May nakita namang mga salitang “traidor sa NPA” na nakasulat sa dingding ng bahay ni Posadas gamit ang pulang pinta.
Ngunit hindi pa masasabi ng mga pulis kung mga miyembro na New People’s Army ang suspek sa krimen.