BACOLOD CITY – Nasa state of shock pa ang misis ng dating alkalde ng Ayungon, Negros Oriental na pinatay ng armadong mga lalaki kaninang madaling-araw.
Pasado alas-2:00 ng madaling-araw nang pinasok ng armed men ang bahay ni ex-mayor Edsel Enardecido sa Brgy. Tampocon I, Ayungon kung saan kanilang sinira ang wooden door.
Ayon sa misis nitong si Myka, hindi bababa sa anim hanggang pito ang mga suspek na armado ng high powered firearms na may laser.
Nagtago pa ang dating opisyal sa likod ng pintuan ng kanilang kwarto ngunit nakita ito ng mga suspek at binaril nang makailang beses.
Tinanong umano ng misis ang mga suspek kung ano ang kasalanan ng kanyang mister at sumagot ang mga ito na nagtaksil sa gobyerno ang dating alkalde kaya’t ito pinaslang.
Ayon sa armed men, sinusuportahan umano ng ex-mayor ang mga miyembro ng New People’s Army.
Bago umalis ang mga suspek, binaril din ng mga ito ang pinsan ng dating alkalde na si Leo Enardecido na nagkataong lumabas sa kanilang bahay nang marinig nito ang putukan.
Sinira rin ng mga suspek ang sasakyan ng dating alkalde.