Pinatawan ng contempt ng House Quad Committee at pinakukulong sa Batasan Pambansa si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang, dahil umano sa pagsisinungaling.
Sa pagdinig ng Quad Committee natanong muna ni Rep. Gerville Luistro si Tumang kung kilala ba niya ang Chinese nationals na sina Willie Ong at Aedy Yang, na incorporators ng Empire 999 Realty na isinasangkot sa ilegal na land ownership at ilegal na droga.
Sinabi ni Tumang na hindi niya personal na kilala ang dalawa.
Pero nagpunta ang mga ito sa munisipyo, at doon niya nakilala ang dalawa dahil bibili raw ng lupa.
Gayunman, napikon dito si Rep. Joseph Paduano, at nagbanta na maglalabas siya ng mga ebidensya o litrato, gaya ng naimbitahan sa China.
Nagmosyon si Paduano na i-contempt si Tumang. Ang style daw ng dating alkalde ay “bulok.”
Ngunit giit ni Tumang, hindi siya nagsisinungaling. Sumubok pa siyang magpaliwanag.
Kinalauna’y inaprubahan ng Quad Committee ang mosyon.
Si Tumang ay madedetine sa detention center ng Kamara hanggang sa matapos ang mga pagdinig ng Quad Comm.
Itinuloy naman ang pagtatanong kay Tumang, hanggang sa nagsabing hindi na niya masagot ang mga tanong dahil masama na umano ang kanyang pakiramdam.