Pumanaw na si dating Pagbilao, Quezon Mayor Romeo Portes, matapos ang higit isang linggo na siya ay barilin sa harap ng bahay ng kanyang anak.
Ang nasabing anunsiyo ay inilabas ng Pagbilao Local Government Unit sa kanilang social media page.
Nagdadalamhati ngayon ang buong bayan ng Pagbilao sa pagkawala ng tinagurian nilang mabuting ama ng kanilang bayan.
Si Portes ay nagsilbi bilang alkalde mula 1998 hanggang 2006, at 2011 hanggang 2013.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office Director Lt Col. Audie Madrideo, namatay ang dating alkalde sa ospital noong Dec. 3, Huwebes, sa edad na 73.
Binaril ang dating alkalde bandang alas-5:00 ng hapon noong Nobyembre 24 sa harap ng gusali na pagmamay-ari ng anak niya.
Base sa CCTV footage, riding-in-tandem ang mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa.
Nag-alok na ng kalahating milyong piso ang pamilya para sa makapagtuturo at ikadarakip ng mga suspek.
Bumuo na rin ang Quezon Police Provincial Office ng Special Investigation Task Group Portes para imbestigahan ang pagbaril patay sa dating alkalde
Si Portes ang ama ng incumbent mayor ng Pagbilao na si Mayor Sherri Ann Portes-Palicpic.
Samantala, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon kaugnay sa pagbaril patay nang hindi pa nakikilalang mga suspek sa alkalde ng Los Banos, Laguna na si Mayor Caesar Perez sa loob mismo ng munisipyo.
Inatasan na rin ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigasyon ang kaso ni Mayor Perez.
Napag-alaman na si Mayor Perez ay kabilang sa narco list ni Pang. Rodrigo Duterte nuong 2019.