-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Napatunayan ng Sandiganbayan na guilty ang dating alkalde ng Pozorrubio, Pangasinan sa kasong falsification of public document dahil sa pagpirma ng isang marriage certificate.

Sa 44-pahinang decision na inilabas nitong August 26, sinasabi ng anti-graft court na nilabag umano ni Artemio Que Chan ang Article 171 ng Revised Penal Code.

Siya ay masesentensyahan ng pagkakakulong ng minimum na dalawang taon at apat na buwan na may maximum na walong taon at isang araw.

Ayon sa korte, mayroon din siyang accessory penalties na temporary absolute disqualification sa public office at perpetual disqualification sa pagtakbo sa anumang posisyon.

Inatasan din si Chan na pagbabayad ng multang P5,000.

Ang kaso ay nag ugat sa reklamo na inihain ng mag-asawang Andy at Mary Jane Dela Rosa na hindi si Mayor Chan ang nagsagawa ng marriage ceremony sa kanila kundi ang kanyang anak na si Vice Mayor Kelvin Chan.

Sa kanyang joint counter-affidavit, giniit ni Chan na nakatanggap siya ng emergency call na ang kanyang ina ay nasa malalang sakit kaya ang kanyang anak na lamang ang inatasan na magkasal sa dalawa.

Sinabi rin niya na nilagdaan din nito ang marriage certificate na iniwan sa kanyang mesa.