ROXAS CITY – Naka-hospital arrest ngayon ang dating alkalde ng bayan ng President Roxas, Capiz matapos inaresto ng mga kasapi ng Provincial Mobile Force Company (PMFC) kasunod ng pagpapaputok umano nito ng kaniyang baril sa loob ng isang government facility sa Barangay Cabug-Cabug sa naturang bayan.
Kinilala ni Capiz Police Provincial Office director Col. Canilo Fuentes, ang suspek na si Don Ramon Locsin na dating alkalde ng bayan ng President Roxas.
Ayon kay Fuentes, nakatanggap ito ng tawag mula sa isang concerned citizen na may narinig umano itong nagpapaputok ng baril kung kaya’t inatasan nito ang mga otoridad na puntahan ang lugar upang kumpirmahin ang naturang impormasyon.
Hinarangan pa umano ng ilang mga kalalakihan ang mga miyembro ng PMFC na pumasok sa lugar.
Dito ay narekober kay Locsin ang dalawang caliber .40 na baril at ilang mga empty slugs rin ang nakita sa lugar.
Kasunod ng pag-aresto kay Locsin ay sumama ang pakiramdam nito kung kaya’t minabuting dalhin ito sa ospital.
Idinagdag pa ni Fuentes na patuloy din ang kanilang imbestigasyon patungkol sa kanilang natanggap na impormasyon na mayroon umanong grupo ng mga armadong mga indibdiwal na pagala-gala sa naturang lugar.