CEBU CITY – Patay ang isang dating mayor ng Medellin, Cebu matapos umanong sumugod ang mga armadong lalaki sa loob ng pagamutan kung saan naka-hospital arrest ito.
Natagpuang sugatan ang 55-anyos na si Ricardo “Ricky” Ramirez sa loob ng palikuran sa Bogo-Medellin Corporation Medical Center sa bayan ng Medellin.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay M/Sgt. Winston Isnani ng Medellin Police Station, sinabi nito na dinis-armahan ng hindi bababa sa 10 mga armed men ang mga guard on duty at BJMP personnel na nagbantay kay Ramirez.
Ayon kay Isnani na pinadapa ng mga armadong lalaki na may dalang long at short firearms, ang mga naka-duty na hospital staff at kinumpiska rin ang kanilang mga cellphone upang walang makakuha ng larawan sa naturang krimen.
Sinabi din ni Isnani na tumakbo agad si Ramirez sa loob ng palikuran at nagtago nang makarinig umano ng mga pagputok sa pintuan.
Tinadtad ng bala ang katawan ni Ramirez at agad naman itong namatay saka naman tumakas ang mga armadong kalalakihan.
Habang nakaligtas naman mga gwardya at hospital staff pagkatapos ng nasabing krimen.
Patuloy pang iniimbestigahan ng SOCO team ang pagkamatay ni Ramirez upang malaman ang motibo nito.
Napag-alaman na nahuli ang dating mayor noong 2017 sa kasong illegal possession of firearms at isinailalim ito sa hospital arrest nang dahil umano sa pananakit ng kanyang dibdib.