(Update) ILOILO CITY – Magsasampa umano ng motion for reconsideration si dating Maasin, Iloilo Mayor Mariano Malones matapos mahatulan ng guilty dahil sa maanomalyang pagbili ng liquid fertilizer noong 2004.
Sa ipinaabot na mensahe ni Malones sa Bombo Radyo Iloilo, sinabi nito na mag-aapela siya sa Sandiganbayan upang mabaligtad ang nasabing desisyon.
Tumanggi na ang dating alkalde na magbigay ng karagdagang pahayag hinggil sa kinakaharap na kaso.
Sa ipinalabas na desisyon ng Sandiganbayan 7th division, lumalabas na guilty si Malones, kasama sina dating municipal accountant Cecilio Montefrio at acting municipal accountant Jimmy Borra dahil sa maanomaliyang pagbili ng milyon-milyong liquid fertilizer na hindi dumaan sa public bidding.
Maliban sa pagkakakulong, ang tatlo ay pinatawan rin ng perpetual disqualification na humawak ng anumang public office.
Ang Office of the Ombudsman ang nagsampa ng kaso noong 2016 dahil sa paglabag ng tatlo sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang may-ari naman ng Feshan Philippines, Inc. na si Jose Barredo Jr. ang nagsilbing state witness laban kina Malones, Montefrio at Borra.