-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Maituturing umanong “tip of the iceberg” pa lamang si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, sa listahan ng mga kwestiyonableng convicted prisoners na posibleng mapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance na binabanggit sa batas.

Sinentensyahan ang dating opisyal ng pitong reclusion perpetua na may 40 years maximum imprisonment dahil sa krimen ng rape at murder sa dalawang University of the Philippines-Los Baños students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inihayag ni House Committee on Justice vice chairman at Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., naghain na ng resolusyon sa Kamara upang maimbestigahan at maintindihan ang proseso ng pagsala sa mga kwalipikadong lumabas sa kulungan.

Ipinangangamba ng kongresista ang mga impormasyon na posibleng kabilang din sa listahan ang mga drug lords ng New Bilibid Prison (NBP) na sina Herbert Collango, Peter Co at iba pa.

Tahasang sinabi ni Garbin na hindi “good behavior” ang ipinakita ng mga ito sa pagpapatakbo ng “illegal drugs transaction” kahit pinagsisilbihan ang sentensya.

Nagpatutsada pa si Garbin na nalusutan na si Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon ng tone-toneladang iligal na droga sa Customs kaya hindi na dapat makalagpas ang mga convicted sa “heinous crimes” na hindi deserving sa “imprisonment release.”

Kaugnay nito, itinakda sa darating na Setyembre 3 ang pagdinig sa naturang usapin sa Kamara.