-- Advertisements --

CEBU CITY – Patay ang isang dating kandidato sa pagkaalkalde matapos tambangan sa Lower Fulton St, Barangay Apas, lungsod ng Cebu kagabi.

Noong 2019 midterm elections nang kumandidato sa pagka-mayor ang kontrobersyal na negosyante na si Ruben Feliciano sa bayan ng San Fernando, Cebu.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mabolo Police Station, kakaparada pa lang ni Feliciano sa kanyang kotse kasama ang kanyang pamangkin sa tapat ng inuupahang apartment sa Blue Garden Residences sa lugar nang biglang dumating ang isang van at lumabas ang suspek na bumaril-patay sa biktima.

Agad namang tumakas ang suspek sa pinangyarihan ng krimen.

Lumalabas din na lima ang sakay ng van na ginawang “get-away vehicle” ng suspek.

Nagtamo ng dalawang tama ng baril ang biktima batay sa mga basyo ng mga bala na narekober sa crime scene.

Ang pamangkin naman ng biktima na si Kim Feliciano ay dali-daling isinugod sa ospital dahil sa natamong sugat.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen habang tinitignan na rin ang lahat ng mga CCTV footage na malapit sa pinangyarihan ng insidente upang makatulong sa imbestigasyon.