Makakatulong na umano ng puwersa ng gobyerno ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isasailalim sa decommissioning process para labanan ang mga teroristang grupo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ni Sec. Carlito Galvez ng Presidential adviser for Peace, Reconciliation and Unity, na isinasailalim na nila sa basic military training ang mahigit 200 MILF fighters para mapabilang sa tinatawag na joint peace and security teams (JPSTs).
Ang JPSTs ay tatawagin ding Bangsamoro auxilliaries o parang CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit).
Ayon kay Sec. Galvez, ang mga ito ang makasasama ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa operasyon laban sa kriminalidad sa BARMM.
Makatutuwang din sila ng puwersa ng gobyerno para pigilan at sugpuin ang terorismo sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Sec. Galvez na matapos maisailalim sa basic military training sa loob ng 26 na araw ang mga dating MILF combatants, papayagan na silang magdala uli ng armas sa ilalim ng Citizen Armed Forces Agreement na nakapaloob sa Republic Act 7077.
Inihayag pa ni Sec. Galvez na alinsunod sa batas, tatanggap ang mga BARMM auxilliaries ng subsistence allowance na P150 kada araw o katumbas ng P4,500 kada buwan.