-- Advertisements --
Kevin belingon

BAGUIO CITY – Tinututukan at pinapaganda pa ng Team Lakay ang game plan para sa ika-apat na paghaharap sa octagon nina dating ONE bantamweight world champion Kevin Belingon at kasalukuyang ONE bantamweight world champion Bibiano Fernandes ng Brazil sa October 13 sa Tokyo, Japan.

Magsisilbing co-main event sa second card ng ONE Century ang inaabangang rematch nina Belingon at Fernandes.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Belingon na posibleng ito na ang huli at pinal nilang paghaharap ng juijitsu expert sa loob ng octagon.

Aniya, siento porsiento ang kanyang kumpiyansa na maaagaw niyang muli ang titulo kay Fernandes ngunit mag-iingat pa rin siya sa loob ng cage dahil posibleng makatsamba raw ang Brazilian fighter.

Dinagdag ng Igorot MMA fighter na sa nakalipas na tatlong laban nila ni Fernandes ay naging pamilyar na siya at alam na niya ang fighting style o mga galaw at kalibre ng kasalukuyang ONE bantamweight world champion.

Sinabi pa niya na tinututukan din niya at ng Team Lakay ang grappling dahil dito malakas si Fernandes.

Nabigo si Belingon sa kanyang unang title defense matapos madiskwalipika ito dahil sa umano’y illegal strike sa likod ng ulo ni Fernandes ngunit agad ipinag-utos ni ONE CEO Chatri Sityodtong ang rematch ng dalawang world champion.

Samantala, maliban kay Belingon ay lalaban din sa nasabing event ang mga Team Lakay fighters na sina Lito Adiwang, Honorio Banario at Danny Kingad.