Dinampot ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating modelo na umano’y nagbebenta ng hindi lisensyadong mga COVID-19 test kits.
Ayon sa NBI, naaktuhan si Avigail Siwa na nagbebenta ng test kits sa online na walang lisensya mula sa Food and Drug Administration.
Nagpaalala naman si Ronald Aguto, hepe ng NBI International Operations Division, na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga test kits sa internet.
Batay sa FDA, maaari lamang makuha ang mga COVID-19 test kits sa pamamagitan ng prescription mula sa mga lisensyadong physicians, ospital o drugstores.
Ang mga doktor at mga trained health professionals lamang din aniya ang maaaring makakapagsagawa ng mga tests.
Maliban sa pagbebenta ng mga test kits na walang lisensya, nahaharap din sa kasong estafa si Siwa dahil sa umano’y pagkabigo nito na ma-deliver ang mga in-order sa kanyang bigas.
Sa panig naman ng dating modelo, itinanggi niya ang mga akusasyon at kanya raw haharapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.