Na-convict ng Sandiganbayan ang dalawang dating opisyal ng nabuwag na rin na National Agribusiness Corporation (NABCOR) at isang private individual dahil graft at malversation ng pondo ng bayan.
Kinilala ang na-convict na sina dating Human Resources and Administrative Manager Encarnita Cristina Munsod at ang general services unit head Romulo Relevo, at isang private individual na Margie Luz mula sa non-government organization na Gabaymasa Development Foundation, Inc.
Hinatulan ang mga ito ng pagkakakulong ng anim hanggang sa 10 taon bawat kaso ng katiwalian at umaabot naman sa 10 hanggang sa 14 na taon sa bawat kaso na may kaugnayan sa malversation.
Habang buhay din silang hindi maaring humawak ng public office.
Inutusan din ang mga ito na sama-samang ibalik at i-reimburse sa gobyerno sa pamamagitan ng Bureau of Treasury ang pera na nagkakahalaga ng P4,365,000 at P485,000 na meron ng legal interest sa halagang six percent per annum.
Ang mga nabanggit ay kasamang co-accused ng yumaong si dating Eastern Samar Rep. Teodulo “Duloy” Montances Coquilla, NABCOR President Alan Javellana, Chief Accountant Ma. Julie Villaralvo-Johnson, at Ma. Cristina Vizcarra ng Gabaymasa.
Dinismis naman ng Sandiganbayan ang kaso laban kay Coquilla dahil sa papanaw nito, habang ang kaso kina Javellana, Villaralvo-Johnson, at Vizcarra ay na-archived na rin.
Una nang lumabas sa record ng korte na ang implementasyon ng PDAF ni dating congressman Coquilla ay ginatos sa pamamagitan ng iligal at mga pekeng proyekto.
Ang desisyon ng korte ay isinulat naman ni Associate Justice Ronald Moreno na may concurrence ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez.