Posible umanong may mga bagong impormasyon na ilalantad si dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo sa susunod na pagdinig ng House Quad Committee.
Si Leonardo ay inakusahang may kinalaman sa pananambang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga.
Sinabi ni House Committee on Public Order Chair Dan Fernandez na bagaman hindi pa nila natatanggap ang sinumpaang salaysay o affidavit ni Leonardo, may mga natanggap na umano silang impormasyon ukol sa posibilidad ng pagkanta ng dating commissioner.
Anuman ang sasabihin ni Leonardo, tiyak aniyang magiging malaking patunay ito sa naunang mga testimoniya ni dating PCSO General manager Royina Garma.
Pagtitiyak ni Fernandez, aalamin din ng Quad Committee ang katotohanan sa lahat ng sasabihin ni Leonardo upang masigurong hindi ito nagsisinungaling.
Hindi aniya isinasantabi ng komite ang posibilidad ng pananamantala ng mga testigo sa pagdinig ng komite para lamang mapagaan ang kanilang kasalanan.
Ayon pa kay Cong. Fernandez, posibleng na-pressure din si Leonardo kayat pinipili na niyang maglabas ng katotohanan.
Aniya, naging mabigat ang mga akusasyon laban kay Leonardo dahil sa hindi lamang iisa ang nagbigay ng testimoniya o pahayag ukol sa pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Barayuga kaya’t posibleng ikinonsidera na niya ang tuluyang pagkanta.
Nakatakda naman ang muling pagdinig ng Quad Committee sa araw ng Martes, Oct 22.