Sinintensyahan ng tatlo’t kalahating taong pagkakabilanggo ang dating NBA player na si Sebastian Telfair kaugnay ng kinakaharap nitong gun case sa New York City.
Nitong taon nang mapatunayang may sala si Telfair dahil sa pagbibitbit ng kargadong handgun sa kanyang pickup truck.
“The mandatory prison sentence he received today is required by law and he has now been held accountable for the unlawful conduct,” pahayag ni Brooklyn District Attorney Eric Gonzalez.
Wala pang tugon sa kasalukuyan ang kampo ng dating NBA cager.
Ayon kay Gonzales, dininig umano ng jury ang testimonya na naglalarawan kung paano namataan ng officers sa isang hindi markadong police car ang nakaparadang Ford F-150 sa isang center median sa Brooklyn na minamaneho ni Telfair.
Pinatigil ng mga otoridad ang sasakyan ni Telfair makaraang mag-U-turn ito sa harap nila at magpatuloy kahit hindi nakabukas ang headlights.
Nang makakita naman umano ng nakasinding marijuana cigarette sa console, hinalughog nila ang loob ng sasakyan kung saan nila natuklasan ang kargadong .45-caliber pistol.
Sinimulan ni Telfair ang kanyang NBA career sa Portland Trail Blazers at nagpalipat-lipat sa ilang teams gaya ng Boston Celtics, Minnesota Timberwolves bago tapusin ang kanyang karera sa China noong 2014.