Pinag-aaralan ngayon ni dating NBA superstar Kevin Garnett ang posibilidad ng pagbili sa franchise ng Minnesota Timberwolves kasama ang grupo ng mga investors.
Ito’y matapos na aminin ni Timberwolves owner Glen Taylor na kanya raw pinag-iisipan at sinusuri ang ilang mga opsyon kaugnay sa pagbenta sa kanyang koponan.
Sinabi pa ni Taylor na marami ring mga grupo ang nanliligaw para mabili ang team, pero binigyang diin nito na hindi niya raw ibebenta ang koponan sa mga nagnanais na alisin ito sa Minneapolis.
“I was recently approached by The Raine Group to discuss the future of our franchise,” ani Taylor. “From the time I bought the team in 1994, I have always wanted what’s best for our fans and will entertain opportunities on the evolution of the Timberwolves and Lynx ownership structure.”
“People have inquired who are interested but they want to move the team,” giit ni Taylor. “They are not a candidate. We’ve made that very clear.”
Sa isang social media post, sinabi ni Garnett na umaasa siya na mapapasakamay niya ang franchise ng koponan.
“I’m part of one of the groups trying,” saad ni Garnett sa Instagram. “Lawd please let my group get this.”
Kung maaalala, isinuot na rin ni Garnett ang uniporme ng Minnesota mula 1995 hanggang 2007, at sa pagbalik nito sa team noong 2015 hanggang sa magretiro na ito noong 2016.