-- Advertisements --
image 716

Inihayag ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves na pagod na aniya itong kumbinsihin ang nakatatandang kapatid na si suspended Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na tumangging bumalik ng bansa dahil sa banta sa kaniyang buhay.

Si Congressman Teves ay idinadawit sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at humaharap din sa kaso ng pagpatay kay Board Member Miguel Dungog at dalawang iba pa noong 2019.

Ibinahagi pa ni Pryde Teves na huli nitong nakausap ang kaniyang kapatid apat o limang araw na ang nakakalipas subalit tumanggi si Congressman Teves na sabihin sa kaniyang pamilya kung nasaan ito.

Maging ang buong pamilya niya nagsalita na kabilang ang kanilang ama na kasalukuyang nasa nakaospital simula pa noong December 8.

Pinayuhan din ng dating Gobernador ang kaniyang kapatid na mag-isip at magnilay-nilay at gumawa ng tamang desisyon.

Tumanggi namang magsalita ang dating gobenador kaugnay sa mga armas na nakuha mula sa sugar mill na sinasabing pagmamay-ari niya.

Top