Nakahanda si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves na makipagtulungan sa mga awtoridad upang malinawan ang isyu matapos ang ikinasang raid ng pulisya sa isang sugar mill na pagmamay-ari ng kompaniyang pinamumunuan nito.
Magugunita na nitong Biyernes, nakumpiska ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang P18 million cash, iba’t ibang kalibre ng baril ay halos 10,000 mga bala mula sa HDJ Bayawan Agri-Venture Corp. Tolong compound sa Bayawan City sa Negros Oriental.
Inamin ni Pryde Teves na siya ang Presidente ng nasabing korporasyon. Subalit iginiit din nito habang isinasagawa ang paghalugad o search sa naturang compound na kailangan munang antaying matapos upang masuri din sa kanilang records kung sino ang may-ari ng mga nakumpiska.
Ayon pa sa dating Gobernador, nag-reach out na ito sa DOJ para sagutin ang ilang mga katanungan kaugnay sa mga nakumpiskang armas.
Si Pryde Teves ay ang kapatid ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr na idinadawit na mastermind umano sa pagpaslang kay Govenor Roel Degamo.