Nasa Lebanon na ang dating pinuno ng Nissan na si Carlos Ghosn sa kabila ng kinakaharap nitong alegasyon hinggil sa maling paggamit ng pera ng kumpanya.
Sa inilabas na pahayag ni Ghosn, sinabi nitong hindi niya tinakasan ang hustisya ngunit iniligtas lamang daw nito ang kaniyang sarili mula sa maling panghuhusga.
Kinumpirma rin ni Ghosn na nagpunta ito sa Middle East sa pagnanais na hindi na gawing hostage ng Japanese justice system.
“I have not fled justice – I have escaped injustice and political persecution. I can now finally communicate freely with the media, and I look forward to starting next week,” saad sa pahayag.
Inaresto si Ghosn noong 2018 at pinagbawalang umalis ng Japan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung paano ito nakalabas ng bansa.
Ilang ulit nang itinanggi ni Ghosn ang mga alegasyon laban sa kaniya kasabay nito ang pag-akusa ng kaniyang mga abogado sa Japanese government dahil sa di-umano’y pang-iipit ng mga ito sa kanilang kliyente.