Patay ang isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na isang gun-for-hire matapos makipaglaban sa mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Negros Occidental.
Ayon kay PNP-AKG director B/Gen. Jonnel Estomo, isisilbi sana ng mga police operatives ang warrant of arrest laban sa suspek na nakilalang si Emmanuel Dequilla Sampani.
Si Sampani ay nahaharap sa kasong murder na inisyu ni Hon. Judge Alejandro Marquez ng Regional Trial Court Branch 79, Region 4A Judicial Region, Morong, Rizal.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte laban sa suspek.
Sinabi ni Estomo, nakatanggap sila ng intelligence information hinggil sa presensiya ni Sampani sa Barangay Dulao, Bago City, Negros Occidental, kaya agad sila nagkasa ng operasyon.
Gayunman, naramdaman umano ng suspek ang presensiya ng mga pulis kaya mabilis na umalis sa kaniyang bahay sakay ng kaniyang motorsiklo at nagtago sa mga puno ng mahogany.
Dito na pinaputukan ang mga otoridad na naging dahilan para mag-retaliate o gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Napag-alaman na si Sampani ay dating NPA Cadre sa ilalim ng grupo ni Narciso Antaso Arabic Command na kumikilos sa probinsiya ng Rizal pero inilipat sa Quezon Province Command.
Nagkaroon siya ng kaso dahil sa sexual harrassment sa isang “Ka Venus” dahilan para patawan siya ng parusa ng NPA Command na nauwi sa pagtanggal sa kaniya sa grupo.
Bumalik ang suspek sa Negros Occidental at dito nakipagsabwatan sa mga criminal gangs sa lugar na sangkot sa gun for hire, land grabbing at gun running.
Narekober sa crime scene ang mga armas, bala at iba pang mga kagamitan.