CAGAYAN DE ORO CITY – Inaresto ng militar ang isang dating opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) habang nasa kanyang bahay sa Brgy. Sagundanon, Kitaotao, Bukidnon.
Natunton ng militar at pulisya ang pinagtataguan ng dating CPP-NPA Western Mindanao Party Committee intelligence officer at secretary general ng Front Committee Kara na si Marcos Requina alyas Tomas, 60, na residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battalion, Philippine Army commander B/Gen. Ferdinand Barandon na inaresto ng AFP Eastern Mindanao Command personnel si Requina dahil sa kasong murder na nakabinbin sa Regional Trial Court Branch 38 sa Pagadian City.
Inihayag ni Barandon na si Requina ay ika-23 most wanted rebel na ipinag-utos ng Department of National Defense at DILG na arestuhin na may katumbas na pabuya.
Si Requina ay mayroong P2 milyon na patong ng ulo kapalit ng kanyang pagkakadakip.
Natuklasan na taong 2015 pa inactive ang suspek subalit huli itong nakipag-ugnayan sa Platoon Medic ng Guerrilla Front 53 ng Southern Mindanao regional committee.