-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad matapos ang nangyaring pamamaril sa bayan ng Makilala, North Cotabato.

Ayon kay P/Maj. Arniel Melocotones, hepe ng Makilala PNP, kinilala ang namatay na biktima na si Arnulfo Gietgiet Cartalaba, 46, isang habal-habal driver at dating miyembro ng New People’s Army (NPA); habang sugatan naman si Arnold Gahil Cabaling, 34, isang laborer matapos na barilin ng apat na hindi pa kilalang mga suspek sa Purok 1A, Barangay Kisante ng nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, pinagbabaril ang nasawing biktima habang sakay ito sa kanyang motorsiklo at sinasabing sinundan ng riding-in-tandem suspects.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan habang nadamay naman ang sugatang si Cabaling kung saan sakay din ito ng kanyang motorsiklo na nasa kaparehong direksiyon nang maganap ang pamamaril.

Narekober naman sa crime scene ang walong basyo ng bala mula sa .45-caliber na pistol na posible ginamit sa pamamaril.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang mga responsable sa nasabing krimen.