Napatunayan ng Ombudsman na guilty sa pag-commit ng Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service sina dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokespersons retired Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at dating undersecretary Lorraine Badoy.
Sa naging desisyon ng Ombudsman na may petsang Marso 23, 2023 subalit ngayong araw, Setyembre 21 lang isinapubliko na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires, ni-reprimand o pinagsabihan lamang sina Parlade at Badoy matapos na makahanap ng merito ang Ombudsman sa isinampang reklamo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Subalit ayon sa Ombudsman, wala itong nakikitang rason para patawan ng grave misconduct charges ang dalawang dating opisyal dahil ang red-tagging o red-baiting ay hindi nagpapakita ng intentional wrongdoing o deliberate violation of law o standard behavior.
Binalaan din ang nabanggit na respondents na kapag naulit ang parehong paglabag ay haharap ang mga ito sa mas matinding parusa.
Nakasaad din sa naturang desisyon, ang reklamong administratibo laban sa respondent na si Hermogenes Esperon Jr. ay ibinasura.
Sa ilalim ng Revised Rules on Administrative Cases sa Civil Service, ang parusa para sa mga napatunayang guilty sa conduct prejudicial to the best interest of the service ay kadalasang suspensiyon sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon para sa unang paglabag subalit sa kaso nina Parlade at Badoy, pinatawan lamang ang mga ito ng reprimand.
Una rito, ayon sa Ombudsman, nag-ugat ang naturang mga kaso mula sa reklamo na inihain ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) dahil sa partisipasyon at naging papel ng mga respondet sa pagbuo at pagpapatupad ng mga kasanayan at polisiya ng pamahalaan na nagta-tag sa mga progresibong organisasyon at kanilang mga miyembro bilang komunistang terorista o fronts ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front of the Philippines