VIGAN CITY – Muling nanindigan ang dating National Youth Commission chairman na si Ronald Cardema na sinungaling si Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kontrobersiya sa pagitan nina Cardema at Guanzon na nag-ugat sa pagkakabasura ng nominasyon nito bilang representative ng Duterte Youth partylist dahil sa edad nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Cardema na sa loob ng kaniyang pag-iikot sa Kongreso ng halos dalawang buwan, marami umano itong mga narinig na hinaing ng mga kongresista na kagaya niya ay kinikilan umano ni Guanzon upang mapirmahan ang kanilang certificate of proclamation at certificate of nomination.
Dahil dito, sinabi ng dating NYC chairman na nadadagdagan umano ang kaniyang hawak na ebidensiya laban sa opisyal ng poll body na nakahanda nitong ilatag sa korte kapag maghahain na ito ng kaso laban sa kaniya.
Maaalalang nagbitiw na bilang representative ng nasabing partylist si Cardema dahil sa public harassment sa kaniya ni Guanzon at upang maprotektahan ang kanilang grupo.