CAGAYAN DE ORO CITY – Inaalam ngayon ng pulisya kung ano ang dahilan sa naging kamatayan ng kontrobersyal na umano’y nasa likod ng organized illegal drug syndicate na si detained former Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog sa loob ng kanyang selda sa Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ito ay matapos kinumpirma ni Police Regional Office-10 spokesperson Lt. Col. Mardi Hortillosa ang pagkamatay ni Parojinog habang naka-local custody sa Ozamiz City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Hortillosa na tinungo ng mga personahe ng Scene of the Crime Operatives (SOCO-10) ang lugar para alamin kung ano ang sanhi ng biglaang pagkasawi ng akusado.
Inihayag ng opisyal na hindi pa sila makapagbigay ng karagdagang pahayag hangga’t wala pang official findings ang mga imbestigador kung paano nangayari sa pagkamatay ni Parojinog.
Sinasabing si Parohinog ay kahapon lamang dumating sa Ozamiz na mula rin pagkakakulong sa Metro Manila.
Si Ardot ay kapatid ng napatay na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na nakatakas noong isinagawa ni dating Ozamiz City police station commander Lt. Col. Jovie Espenido ang madugong anti-drugs operation alinsunod sa unang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 30, 2017.
Magugunitang nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Ardot bago ito naaresto habang nagtatago sa bansang Taiwan noong Mayo 2019 dahil sa nangyari kay Aldong.
Napag-alaman na ang mga Parojinog ay unang binansagan na nasa likod daw ng Kuratong Baleleng gang kung saan utak umano ng high profile criminal cases tulad ng bank robberies, illegal drug trade at gun for hire activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.