Kinumpirma ng Bureau of Immigration na na-deport na nila ang ex-partner ni Pokwang na si Lee O’Brian.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, gabi ng April 8 nang i-deport nila si O’Brian sakay ng eroplano pa San Francisco City, California matapos makumpirmang wala na itong nakabinbin na kaso sa korte dito sa Pilipinas.
Bukod pa rito, napabilang na rin si O’Brian sa blacklist ng Bureau of Immigration. Ibig sabihin, hindi na ito papayagan na muling makapasok pa sa Pilipinas.
Kung magugunita, naghain ng deportation case ang aktres na si Pokwang laban sa ex-partner nitong si Lee O’Brian noong nakaraang taon dahil sa pagta-trabaho umano sa loob ng bansa nang walang kaukulang dokumento.
Ibinunyag ni Pokwang na nagta-trabaho si O’Brian sa iba’t ibang production companies kahit wala itong permit sa Department of Labor and Employment maging sa Bureau of Immigration.
Pinanigan naman ng BI si Pokwang kaya noong Disyembre 2023 ay ipinag-utos ang deportation ni O’Brian ngunit naghain naman ito ng motion for reconsideration na kalaunan ay ibinasura.
Anim na taon naging magkasintahan sina Pokwang at ang Amerikanong si Lee O’Brian na unang nagkasama sa pelikula noong 2014. Taong 2022 naman ng kinumpirma ng aktres ang kanilang hiwalayan.
Sa ngayon ay nasa kamay ni Pokwang ang 6 na taong gulang na anak nila ni O’Brian.