ILOILO CITY – Inalala ni dating Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. ang pagrekober ng mahigit sa P500 million dollars na umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Marcos kasabay ng selebrasyon ng 36th Edsa People Power Revolution anniversary.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Defensor na dating commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), sinabi nito marami pang dapat mabawi ang gobyerno mula sa mga Marcos lalo na ang mga yaman na itinago sa pamamagitan ng kanyang mga dummies.
Napag-alaman na base sa World Bank-UN Office on Drugs and Crime’s Stolen Asset Recovery Initiative, sinasabing ninakaw umano ni former President Marcos ang ill-gotten wealth mula sa gobyerno na umaabot sa US$5 billion hanggang US$10 billion sa loob ng kanyang mahigit dalawang dekadang rehimen.
Ayon kay Defensor, ang mga deposito ng Marcos sa bangko ay napaka-komplikado dahil may mga perang nagmula sa Japan (Bank of Tokyo), inilipat sa California Overseas Bank, Netherland Santiles (Carribean), at iniligay nila ang deposito sa dummy corporation na Aguamina Corporation papunta sa isang bangko sa Switzerland kung saan nakuha ni Defensor at ng PCGG ang lahat ng mga dokumento.
Napag-alaman na ang gobyerno ay nakarekober na ng P172.4 billion habang tinatayang P125 billion na ill-gotten wealth pa ng mga Marcos ang hindi pa nababawi.
Napag-alaman na matapos ang Edsa People Power Revolution noong 1986 na nagluklok sa pwesto kay dating Presidente Corazon Aquino, itinatag ang PCGG sa pamamagitan ng isang executive order upang ma-recover ang lahat ng ill-gotten wealth ng mga Marcos, mga kamag-anak, subordinates at mga kaalyado nito sa loob at labas man ng bansa.