-- Advertisements --

Muling magsasagawa ng pagdinig ng House Tri-Committee (Tri-Comm) sa Biyernes, ang ikatlong pagdinig nito kaugnay ng lumalaking banta ng disinformation at fake news na ikinakalat sa iba’t ibang social media platforms.

Ipinatawag ng komite ang 11 social media personalities at vloggers, kabilang si dating Communications Secretary Trixie Cruz-Angeles, na maaaring ma-cite for contempt at ipakulong kung muling hindi sisipot sa pagdinig.

Una nang naglabas ang Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information ng show cause order para sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng malisyosong online content.

Sa kabila ng paulit-ulit na pag-imbita, marami pa rin ang hindi nagpakita sa Komite, dahilan para magpalabas na ng subpoena ng para sa 11 vloggers.

Bukod kay Cruz-Angeles, na isang abogado, kasama sa maaaring macontempt sina Aeron Peña, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Elizabeth Joie Cruz, Dr. Ethel Pineda Garcia, Jeffrey Almendras Celiz, Krizette Laureta Chu, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Mark Anthony Lopez, Mary Jean Quiambao Reyes, at Richard Tesoro Mata.

Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, overall chair ng Tri-Comm, ang imbestigasyon na ito ng Kongreso ay layong panagutin ang mga indibidwal na nagpapakalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon online.
Dagdag pa niya na ang pagpapatupad ng contempt ng komite ay para mapanatili ang integridad ng imbestigasyon ng Kongreso.

Matatandaan na binigyang diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng House Quad Comm, na ang pagsisiyasat ng Tricom sa paglipana ng fake news at malisyosong content sa social media ay hindi para kitilin ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin.

Nilinaw ni Barbers, na naglahad ng pribilehiyong talumpati noong Disymebre 16, kasama ang resolusyon ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na naging basehan ng pagdinig ang tunay na hangarin ng imbestigasyon ng Tricom.

Sabi ni Barbers nais lamang nil ana magkaroon ng malinaw na panuntunan at pinakamainam na batayan kung paano maayos na pamamahalaan ang pagpapalaganap ng impormasyon sa social media.

Inaasahang haharap sa pagdinig sa Biyernes ang mga ahensya ng pamahalaan, social media platform, media organization at civil society groups.

Ang pagsisiyasat ng Kongreso ay bahagi ng mas malaking hakbang para mapigil ang pagkalat ng maling impormasyon online na ayon sa mga mambabatas ay nagiging banta sa seguridad ng bansa at mga institusyon ng gobyerno.

Target ng Tri-Comm na makagawa ng panukalang batas para mahinto ang pagpapakalat ng disinformation sa bansa.