Inamin ni dating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Trixie Cruz-Angeles na gobyerno ng Tsina ang gumastos sa mga vlogger at social media influencer na karamihan ay pro-Duterte na dumalo sa isang seminar sa China.
Ginawa ni Angeles ang pag-amin sa pagdinig ng Kamara kahapon ukol sa fake news at online disinformation.
Sa pagdinig, tinanong ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez si Cruz-Angeles tungkol sa National Radio and Television Administration (NRTA) ng China at ang papel nito sa pagsasanay ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang bansa.
Ipinakita ni Suarez ang isang larawan ng mga dumalo sa NRTA seminar, kung saan kasama si Cruz-Angeles at iba pang vloggers na pro-Duterte.
Kinumpirma ni Cruz-Angeles na alam niya ang mga ganitong programa at inamin na isa siya sa mga inimbitahan.
Pinangalanan niya ang ilan sa mga kapwa niyang dumalo sa seminar, na ginanap mula Mayo 23 hanggang Hunyo 5, 2023, sa China.
Nang tanungin ni Suarez kung sino ang nag-pondo ng biyahe, inamin ni Cruz-Angeles na ang seminar ay “sponsored,” kung saan sinagot ng gobyernong Tsino ang pamasahe, tirahan, at gastos sa seminar.
Ibinunyag din ng dating PCO chief na nagmula mismo sa Chinese Embassy ang imbitasyon, na regular umanong pumipili ng mga kalahok para sa ganitong mga programa.
Binigyang-diin ni Suarez na ang programa ay isang “state-funded activity” ng China na may layuning sanayin ang mga mamamahayag, kabilang ang mga vlogger.
Kinilala naman ni Cruz-Angeles na ipinakilala sa kanila ang mga bagong uso sa social media sa seminar.
Nang tanungin kung ito ang unang beses niyang dumalo sa ganitong seminar, sinabi niyang ito ang unang vlogger-focused training na kanyang nadaluhan.
Inamin din ni Angeles na dati na siyang lumahok sa isang programa na pinondohan ng gobyernong Tsino bilang bahagi ng isang cultural exchange sa Xi’an.
Sinabi ni Cruz-Angeles na hindi nito naapektuhan ang kanyang pananaw sa pulitika dahil pamilyar na umano siya sa kasaysayan ng China.
Binigyang-diin ni Rep. Suarez na inamin ng resource persons na nakinabang ang mga ito sa state-sponsored seminar at hinikayat ang mga ito na gamitin ang kanilang nakuhang dagdag na kaalaman “for the benefit of the Philippines.”