Kinumpirma ni retired police colonel at dating PCSO General Manager Royina Garma na inadopt ng Duterte administration ang tinatawag na “Davao model” sa giyera kontra iligal na droga kung saan ang mga opisyal na sangkot sa pagpatay sa mga drug suspeks ay binibigyan ng pabuya.
Sa affidavit na isinumite ni Garma sa Quad Committee ngayong araw, idinitalye nito ang pagpapatupad sa “Davao model.”
Naging emusyunal si Garma ng basahin nito ang kaniyang supplemental affidavit kaugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa affidavit ni Garma kaniyang inihayag na mayruong tatlong modes of payment o sa ibinibigay na rewards.
Aniya, una sa bawat syspek na napatay; pangalawa para sa planadong operasyon at pangatlo refund ng operational expenses.
Inamin din ni Garma na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang personal na tumawag sa kaniya para sa pagbuo ng isang national task force.
Aniya, nakasalamuha na niya ang dating Mayor Rodrigo Duterte dahil nagsilbi siyang Station Commander sa isa sa mga police stations sa siyudad ng Davao.
Ayon kay Garma sa kanilang pagpupulong ng dating Pangulo, kaniyang hiniling na maghanap ng isang PNP officer na miyembro ng Iglesia Ni Cristo dahil kailangan niya ng isang opisyal na may kakayahan na magpatupad ng war on drugs para sa national scale kung saan ireplicate nito ang Davao model.
Sa naging pagdinig ng Komite ngayong araw, lumantad ang ilang mga testigo mula pa sa siyudad ng Cebu kung saan nagsilbi si Garma bilang City Police Director.
Ibinunyag ng mga testigo na takot ang mga residente kay Garma.
Sa kaniyang panunungkulan bilang city police director ng Cebu, tumaas ang kaso ng extrajudicial killings.