Mariing itinanggi ni dating Cebu City Police Director PCol. Royina Garma ang kaniyang pagkakasangkot sa insidenteng kumitil sa buhay ng tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ani Garma, wala siyang nakikitang dahilan para madawit ang kaniyang pangalan sa mga insidenteng ito dahil wala naman umano siyang alam sa mga pangyayaring iyon.
Ang tanging nakikita lamang umano nyang dahilan ay ang pakiramdam ni Jimmy Fortaleza na siya ang ‘most guilty’ dahil sa siya ang naging saksi sa lahat ng mga nangyari sa loob ng kulungan.
Dagdag pa ng dating opisyal, humingi umano ng tulong sa kanya si Fortaleza para mabigyan ng presidential pardon para makalaya sa kulungan.
Agad itong tinanggihan ni Garma at pinayuhan siyang gawin na lamang ang papel niya sa loob at kumuha ng sariling abogado para ilaban siya sa korte.
Aniya, hindi umano siya ang magdedesisyon, sa halip ang nakakataas para pakinggan ang kaniyang pakiusap na makalabas na ng DPPF.
Posible raw na ito ang naging dahilan para umabot sila sa puntong ito.
Samantala, sa kaniyang pagpapaliwanag, wala umano siyang matibay na ebidensya na magpapatunay na ito nga ang mga maaaring rason para idamay siya sa isyung ito.
Iba rin daw ang takbo ng isip ni Fortaleza at hindi na din niya hawak kung ano man ang magiging sagot nito laban sa kaniya.