Hinatulang guilty beyond reasonable doubt ng San Fernando Municipal Trial Court Branch IV si dating PDEA intelligence agent Jonathan Morales sa kasong perjury para sa pagsisinungaling nito sa kaniyang testimoniya sa isang drug case noong 2011.
Sa 11 pahinang desisyon na inilabas nitong Miyerkules, sinentensiyahan ng korte si Morales ng 5 na buwang pagkakakulong at pinatawan ng multang P1,000 na may kalakip na subsidiary imprisonment sakaling walang maibabayad sa multa.
Matatandaan na inakusahan si Morales ng pagsisinungaling sa kaniyang testimoniya noong Hunyo 2011 at Setyembre 2011 sa pagharap nito sa korte laban sa 2 Chinese nationals na pinaghihinalaang sangkot sa drug trafficking.
Sa kaniyang sinumpaang salaysay, sinabi niyang responsable ang nasabing mga Chinese sa pagbebenta, pagdadala o pag-distribute ng ilegal na droga.
Subalit kalaunan ay binawi ni Morales ang kaniyang mga testimoniya sa isinagawang cross-examination kung saan ibinunyag niyang pinilit lamang siya ng kaniyang superior Director na si Lyndon Aspacio na tumestigo laban sa 2 Chinese.
Aniya, nagawa lamang niya yun dahil natatakot siyang masibak o malitis kung hindi niya susundin ang umano’y utos sa kaniya.
Subalit sa hatol ng korte laban sa kaniya, walang nahanap na ebidensiya na susuporta o magpapatunay sa mga claim ni Morales na pinilit o tinakot siya.
Maaalala na si Morales din ang isa sa lumagda umano sa na-leak na PDEA operation report noong 2012 na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa ilegal na droga.