Pinalaya na mula sa pagkaka-detine sa Senado si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales at dating Napolcom employee Eric Pikoy Santiago, ang dalawang na-contempt nang dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig ng Senado.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, tumawag sa kanya kahapon si Senate President pro tempore Jinggoy Estrada na nag-abiso na palalayain na niya si Morales .
Magugunitang si Estrada ang nag-mosyon upang mapa-cite in contempt ang dating PDEA agent dahil sa hindi nito pagsasabi ng totoo.
Nitong Miyerkules lang din ng gabi, sinadya ni Estrada si Morales at closed-door na kinausap.
Samantala, ayon pa kay Escudero, si Senador Ronald “bato” Dela Rosa naman ang tumawag sa kanya para sabihing pakakawalan na niya si Eric Santiago.
Si Dela Rosa ang nagpakulong kay Santiago matapos isiwalat nito sa komite na kathang-isip o gawa-gawa lamang ang lahat ng sinabi niya sa video upang makarating at magsalita sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon sa Senate President, bago pakawalan ang dalawa, nakumusta nya sa detention room dahil nagkataon na binisita nya ang lahat ng opisina sa Senado kabilang ang opisina ng Sergeant at arms at Senate security kung saan naka-detain ang dalawa.
Gayunpaman, pinalaya ang dalawa pasado alas-7 ng gabi kagabi, ayon kay Senate sgt at arms Roberto Ancan.