-- Advertisements --

Bagamat aminadong naririnig na dati ang Davao Death Squad (DDS), nilinaw ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva na wala itong gaanong maraming impormasyon ukol sa kontrobersyal na grupo.

Sa pagharap ni Villanueva sa ika-sampung pagdinig ng Quad Committee ng Kamara, tinanong ni Zambales 1st District Representative Jeff Konghoun ang dating hepe ng PDEA kung may alam siya sa kontrobersyal na DDS.

Sagot ni Villanueva, bagamat na-assign siya sa Region XI noong huling bahagi ng termino ni Duterte, hindi lang siya naka-pokus sa Davao City kung saan namumuno ang pamilya Duterte.

Aniya, naririnig lamang niya ang DDS ngunit wala pa itong pagkakataon na matunghayan ang naturang grupo.

Giit ni Villanueva, dahil sa halos araw-araw itong naririnig ay mistulang tinatanggap na lamang ito bilang general information, gayong hindi nakikita ang naturang grupo.

Tinanong din ni Cong. Konghoun si Villanueva kung ano ang masasabi niya sa malawakang drug war ni dating PRRD.

Sagot ng dating Duterte appointee, maliban sa mga kaso ng extrajudicial killings, malaki ang naging impact ng war on drugs, lalo na kung ibabase sa Barangay Drug Clearing program ng nakalipas na administrasyon.

Matatandaan, noong Mayo-28 ng taong 2020 noong nanumpa si Villanueva bilang Director General ng PDEA. Nagpatuloy pa siya hanggang sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngunit kinalaunan ay pinalitan din siya ni USec. Moro Virgilio M. Lazo. Si Lazo ay retiradong heneral mula sa PNP Special Action Force.