-- Advertisements --
gloria macapagal arroyo speaker

Nahaharap sa panibagong mga reklamong graft at malversation si dating Pangulo at kasalukuyang House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo kaugnay sa ₱38.807 bilyon na iligal na ibinayad mula sa Malampaya Fund.

Sa isang pahayag, sinabi nina National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) President Pete Ilagan at Boses Ng Konsyumer Alliance, Inc. (BKAI) President Roger Reyes na ang kanilang reklamo ay batay sa kamakailang nakuhang Commission on Audit (COA) report na natapos noong 2017.

Lumalabas sa ulat ng COA na nakatanghapnang pamahalaan mula sa mga operasyon ng petrolyo ng Malampaya oil and gas wells mula Enero 2002 hanggang Hunyo 2013, kung saan ₱38.807 bilyon ay ikinategorya ng COA bilang hindi wastong disbursement dahil sa hindi pagsunod sa umiiral na batas, tuntunin at regulasyon.

Sa kanilang reklamong inihain sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 28, sinabi nina Ilagan at Reyes na ang mahigit P38 bilyon ay napunta sa mga programang pang-agrikultura at patubig, mga proyekto sa calamity rehabilitation, mga proyektong relokasyon at pabahay at iba pang mga proyekto.

Ang mga nabanggit na proyektong ito ay hindi aniya saklaw ng Presidential Decree No. 910, na nagsasaad na ang Malampaya Fund ay dapat gamitin para sa mga proyektong may kaugnayan sa exploration, exploitation at pagpapaunlad ng mga katutubong mapagkukunan ng enerhiya na mahalaga sa paglago ng ekonomiya.

Inamin ni Ilagan na ibinasura ng dating Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales ang reklamo laban kay dating Pangulong Arroyo, na nag-utos ng pagsasampa ng plunder at iba pang kasong kriminal laban sa negosyanteng si Janet Lim Napoles, dating Budget Secretary Rolando Andaya Jr., at 23 iba pa dahil sa umano’y scam.

Na-dismiss si Arroyo sa kaso sa kadahilanang ang kanyang naging tungkulin ay para lamang magbigay ng awtorisasyon sa disbursement ng pondo at wala siyang kinalaman sa maling paggamit ng pondo.

Gayunpaman, ikinatwiran ni Ilagan na sa naturang scam tanging ₱900 milyon lamang ang pondong hindi wastong naibigay at hindi ang buong ₱38.807 bilyon na ginamit ni Arroyo sa maling paraan sa loob ng siyam na taon ng kanyang pamumuno.

Bunsod nito hinamon ni Ilagan si incumbent Ombudsman Samuel Martires na magsampa ng kasong graft at malversation laban kay Arroyo.

Top