Nilinaw ni dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang usap-usapang tatakbo siya sa pagka-Senador sa May 2025 midterm elections.
Sa isang statement, nilinaw ng dating pangulo na wala siyang intensiyon na tumakbong muli sa naturang posisyon.
Aniya, opisyal na niyang inanunsiyo ang kaniyang kandidatura para tumakbo sa ikalawang termino bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga kung saan ipinangako niyang tutugunan niya ang mga pangangailangan at mga prayoridad ng kaniyang mga kababayan at ng probinsiya ng Pampanga.
Nauna na ngang nahalal bilang Senador si Arroyo mula 1992 hanggang 1995. Sa halalan noong 1995, nanguna siya sa Senatorial race na nakakuha ng halos 16 milyong boto.
Namuno din si Arroyo bilang ika-14 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas mula 2001 hanggang 2010. Nagsilbi din siya bilang House Speaker mula 2018 hanggang 2019.