Nagpasaring si Senate President Tito Sotto sa mga kritiko ng administrasyon at iba pang religious groups kasunod nang akusasyon ng nagpakilalang si alyas Bikoy laban sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Soto ang mga pahayag sa sa sarili niyang expose sa isang press conference nitong araw sa Maynila.
Ayon sa senador, mahirap paniwalaan ang kwento ni Peter Joemel Advincula dahil hindi raw ito ang unang beses na lumutang si alyas Bikoy at nagbato ng akusasyon sa mga opisyal ng pamahalaan.
Kinumpirma ng pinuno ng Senado na naglabas ng parehong alegasyon noong 2016 si Advincula laban sa mga opisyal ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ipinakita ni Sotto ang kopya ng sworn statement ni Advincula noon kung saan sinabi nito na may ugnayan ang dating pangulo at ilang gabinete sa umano’y “Quadrangle drug syndicate.”
May bank records din umano itong ibinigay ngunit natukoy na hindi lehitimo ang mga ito matapos i-countercheck sa mga binanggit na bangko.
“I did due diligence kaya noong 2016, hindi ko pinatulan ito. Medyo iniba niya lang nang kaunti ang script, iniba niya lang ang personalidad, ito naman ngayon,” ani Sotto.
“Binigyan ako ng bank account na HSBC daw ang ginagamit. I did verify it before. Ang una kong ginawa tinanong ko sa HSBC kung meron silang account na ganu’n. Ang sinasabi sa HSBC Makati daw. Isang account lang ang binigay ko sa HSBC. Sabi, ni hindi ganyan ang numbering nila,†dagdag ng Senate President.
Bagay na hindi raw nalalayo sa mga detalyeng ikinalat ni alyas Bikoy sa viral video kamakailan na nagsasangkot naman kay Duterte at mga kamag-anak nito.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Sen. Panfilo Lacson na hindi muna matutuloy ang itinakdang hearing ng mataas na kapulungan kay Advincula sa Biyernes.
Ito’y matapos umanong hilingin nito na patapusin muna ang halalan sa Lunes bago talakayin muli ang issue.
Ani Lacson, malaking bagay sana kung matutuloy ang pagdinig bago ang eleksyon para mismong taongbayan na ang humusga sa mga sasabihin nito.
Gayunpaman tutukan pa rin daw ng Senado ang magiging development ng mga binitiwang alegasyon ni Advincula.
Posible rin umano na padalhan nila ito ng subpoena kung magmamatigas na hindi dumalo sa pagdinig.