Nilinaw ni dating Philippine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda Jr. na hindi niya alam na wanted o pugante sa China ang negosyanteng si Tony Yang nang magkita sila.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado nitong Martes kaugnay sa umano’y kriminal na aktibidad ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), iginiit ni Acorda na naging propesyunal siya sa kaniyang pakikitungo kay Yang, kapatid ng dating presidential economic adviser ni ex-PRRD na si Michael Yang.
Aniya, noong panahong iyon, hindi siya nakakatanggap ng impormasyon tungkol sa warrant of arrest laban kay Yang na pinaghahanap sa bansa o maging sa China.
Sa parehong pagdinig din, nilinaw ng retiradong heneral kung paano sila nagkakilala ni Sual Mayor Dong Calugay na iniuugnay kay Alice Guo.
Una rito, noong nakaraang buwan sa pagdinig ng Senado, ipinakita ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang mga larawan ni Acorda kasama si Yang at iba pang sangkot sa illegal POGOs. Nang tanungin tungkol sa mga larawan, sinabi ni Yang na magkakilala sila noong nasa Cagayan pa si Acorda.
Samantala, pinasalamatan din ni Acorda ang Senate committee sa pagbibigay sa kaniya ng pagkakataon na mapakinggan ang kaniyang panig hinggil sa naturang isyu.
Kapwa kinilala naman nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Jinggoy Estrada ang naging papel ng dating PNP chief bago ito tuluyang magretiro, na nanguna sa paglulunsad ng case build up kaugnay sa mga ilegal na aktibidad sa POGO hub sa Bamban Tarlac na nagresulta sa pagkakabunyag ng mga ilegal na Pogo na nagooperate sa bansa.