-- Advertisements --
(c) Sandiganbayan/Wikipedia

Naniniwala ang mga mahistrado ng Sandiganbayan na may basehan ang mga inisyal na ebidensyang inilatag ng prosekusyon para idiin sa kasong perjury si dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima.

Batay sa resolusyon ng 2nd Division, pinayuhan ng anti-graft court ang kampo ni Purisima na agad tumugon sa naturang mga ebidensya kaysa humiling ng pagbasura sa kanyang kaso.

Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang mosyon ng former PNP chief na hamunin ang mga ebidensya ng prosekusyon para maibasura ang kasong may kinalaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

“The testimonial and documentary evidence presented by the prosecution, unless successfully rebutted by the accused, appear to be prima facie (at first glance) sufficient to support a finding of guilt beyond reasonable doubt,” ani Assoc. Justice Lorifel Pahimna na lumagda ng resolusyon.

Ayon kay Purisima, bigo ang panig ng Office of the Ombudsman na makakuha ng kopya ng kanyang SALN noong bago pa siya maapunto bilang pinuno ng pambansang pulisya.

Pero ayon sa korte, hindi sapat ang mga dahilan ng akusado para ikonsidera nila ang mosyon nito.

“It must be stressed that the court cannot be compelled to go beyond the motion and examine in detail the discussion and arguments of the accused in the appended demurrer to evidence since leave of court has not yet been granted,” dagdag ng anti-graft court.

Dahil dito mayroong limang araw si Purisima para sagutin ang inilabas na resolusyon ng Sandiganbayan sa kanyang naunang mosyon.

Nag-ugat ang kaso nang tanggalin umano nito ang ilang ari-arian sa kanyang dating SALN.

Bukod sa perjury, nahaharap din sa kasong graft si Purisima dahil sa maanomalyang courier service deal ng PNP.

Samantala, nakabinbin ang kanyang kasong may kinalaman sa madugong Mamasapano encounter dahil sa bisa ng temporary restraining order.