Nakitaan umano ng Department of Justice (DOJ) ng probable cause na kasuhan si dating PNP chief Oscar Albayalde at 13 pang mga pulis dahil sa violation ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
May kaugnayan ito sa iskandalo sa tinaguriang ninja cops noong ito pa ang regional director sa isinagawang raid sa Pampanga noong taong 2013.
Ayon sa DOJ panel of prosecutors kabilang sa kuwestiyunable ay ang ginawa umano noon ni Albayalde na non-implementation ng kautusan upang patawan ng parusa ang mga police officers na kabilang sa drug operations.
Sinasabing itinago umano ng mga pulis ang nasa 160 kilo ng shabu habang meron pang nakinabang daw na P50 million at nabiyayaan pa ng bagong SUVs kapalit ng pagpapalaya sa hinhinalang Chinese drug trafficker na si Johnson Lee.
Ang 13 mga Pampanga policemen ay inirekomendang sibakin dahil sa irigular na drug raid pero sa halip pinarusahan lamang ang mga ito ng one-rank demotion.
Ang pagkakaungkat sa matagal ng kaso ay nag-ugat sa imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na GCTA for sale sa Bilibid prisons.
Nadamay din sa isyu si Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino matapos ibulgar ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na dating chief ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang imbestigasyon.
Inakusahan ni Magalong sa Senate inquiry si Albayalde na umano’y hinarang ang dismissal sa 13 mga pulis.
Mariin namang itinatanggi ni Albayalde ang mga alegasyon laban sa kanya.
Ang pagkakasangkot kay Albayalde sa isyu ay nagbunsod upang mapilitan siyang mag-resign, 10 araw bago ang kanyang nakatakdang pagretiro sana noong November 8, 2019.